Sunday, April 22, 2012

Bawal


Unti unti akong nahuhulog sa kanyang mapupungay na mga mata, tila isa itong hipnotismo na pag iyong natitigan tuluyan kang mawawala sa sarili mong kamalayan. Sa kanyang mga ngiti ay patuloy akong nahuhumaling, pilit kong pinipigalan ang aking sarili dahil ang lahat ng ito ay bawal.
“Bawal hindi na ma-aari, hindi na pwede”
“Pero bakit? Paano mo ito mapipigilan?”
Pilit na nagtatalo ang aking puso’t isipan. Sino nga ba ang dapat na magwagi sa kanilang dalawa? Ang puso ko na walang kadala dala sa mga tinatamong kabiguan o ang isipan kong hindi kayang talunin ang aking puso pagdating sa larangan ng pag – ibig?
Bakit nga ba bawal?
Tulad ng mga bituin sa malawak na kalangitan ang kaningningan nito ay pag aari na ng buwan, na kahit na anong pilit kong abutin malabo pa sa tubig ng ilog pasig kong makakamit. Yung tipong kahit na maghintay ako sa kanyang pagbasak sa lupa sa huli hindi pa rin sya mapapasa akin kasi malamang naman na hindi din sa eksaktong lugar na kinatatayuan ko ang magiging pagbagsak nya.
“Pigilan mo ang aking puso na tumibok para sayo, ikaw lang ang tanging makagagawa non.”
Bukod tanging ikaw lang ang makakapipigil sa damdaming ito na namumuo sa aking puso. Dahil ikaw naman ang dahilan kung bakit ito muling natutong tumibok. Pero paano? Gayong wala ka namang kamalay malay sa nararamdaman ko para sayo. Ni katiting na ideya alam kong wala ka, dahil ang alam mo ang mga ngiti ko ay pag mamay ari na ng iba, pero ang katotohanan ang lahat ng ngiting ito ay sayo nagmumula.
“Basta isipin mo lang na bawal!”
Oo na, sige na, sa ngayon hahayaan kong manaig ang aking isipan dahil alam kong wala rin naman tong patutunguhan. Sa huli wala rin naman akong ibang sisihin kungdi ang aking sarili. Kaya’t habang maaga pa pipigilin ko na ang bawal.
“Ang bawal na pag ibig na namumuo sa loob ng aking puso’t isipan”.

Tuesday, April 10, 2012

Bakit nga ba ako masaya?


Mataman kong minamasdan ang masayang harutan ng bata sa kalsada mula sa aming bintana. Hindi nila alintana ang init na nagmumula sa matinding sikat ng araw, ang mahalaga masaya silang naghaharutan na magkakaibigan. Napapangiti na ako sa kanilang ginagawa, para itong isang sakit na nakakahawa. Habang umaangal ang isa dahil sa sakit na natamo nya mula sa kanilang paglalaro ng pitik bulag, ang isa naman ay halos lumuwa na ang ngalangala sa kakatawa. Aliw na aliw ako sa kanilang ginagawa ng mapukaw ang atensyon ko dahil sa pagtunog ng aking telepono na nagsasabing may mensahe akong natanggap. Agad kong tinignan kung sino ang nagpadala ng mensahe, ngunit isang numero lang ang rumehistro mula sa aking telepono, at ang nilalaman ng mensahe:

Bakit ka masaya?”

Napangiti ako sa laman ng mensahe at napaisip, bakit nga ba ako masaya, bakit nga ba sa kabila ng mga natamo kong pait at sugat mula sa kahapon nakukuhang ngumiti at humalakhak na tila ba walang katapusan. Alam ko marami ang nagtataka sa ngiti ko na tila ba puno ng panibagong pag asa. Hindi naman alintana sa lahat ang pait na aking naranasan. Inaamin ko masakit ang mga naging pagsubok na tinamo ko sa buhay, umabot pa sa puntong halos ikawasak ito ng aking mga pangarap at lumuha ako na tila ba wala ng bukas. Hindi lang isang beses akong nabigo sa pag – ibig, hindi lang isang beses na lumuha ako ng dahil sa pagkabigo na makamit ang pangarap. Nandyang maranasan ko pa na paasahin ako at biglang iwan sa ere. Talunan man ako sa larangan ng pag – ibig ngunit hindi ito naging dahilan para tuluyan akong mawalan ng pag asa. Hindi ko ito ginawang basehan para hindi muling ibalik ang ngiti sa aking mga labi. Maaaring isipin ng iba na nagpapanggap lang ako na masaya, na sa likod ng aking mga ngiti patuloy na lumuluha ang aking puso, patuloy na nagtatanong kung kailan matatapos ang pait na natamo. Inaamin ko noong una ganyan ang pakiramdam ko, ganyan ang pananaw ko sa buhay na ikubli na lang ang sakit na nadarama. Ngunit katulad ng mga ibon na lumilipad sa himpapawid

May kapaguran din ako at kailangan kong magpahinga”

Tama! Umabot na din sa puntong kusa ng sumuko ang puso’t isipan ko na alalahanin pa ang mga bagay na nagbibigay sa akin ng mapait na ngiti. Naisip ko, bakit ko ba hahayaang lamunin ako ng nakaraan gayong pwede pa rin naman akong ngumiti sa kabila ng nangyari sa nakaraan. Napagtanto ko na di lang naman sa pag ibig magiging masaya ang isang tao, hindi rin naman sa isang materyal na bagay lang magiging maligaya ang iyong puso. Maraming bagay sa paligid na maaaring maging inspirasyon upang muling gumuhit ang isang magandang ngiti sa iyong mga labi. Sa simpleng halakhakan ng mga bata na natatanaw ko mula sa aming bintana, sa mga kulitan at harutan naming magkakaibigan, sa sermon at yakap ng aking mga magulang, sa pangungulit at paglalambing ng mga studyante sa paaralang aking pinapasukan, muli kong nahanap ang ngiti at saya na gumuhit sa aking labi.

Nasugatan man ang puso ko at namarkahan ng peklat”

Hindi ko ito hahayaang makaapekto sa aking buhay, tulad ng isang unos na dumadaan sa tahimik na mundo ng karagatan dadating din muli ang isang magandang pagsikat ng araw. Hindi naman sa unos natatapos ang mundo ng karagatan, ang pagsikat na muli ng araw ay isang hudyat upang ang pag asa sa ating mga puso ay hindi maparam. Matuto lang tayong tumanggap ng pagkatalo, matuto lang tayong lumapit sa Diyos na nasa itaas, matuto lang tayong umunawa na ang lahat ng bagay na nagaganap ay naaayon at may dahilan hindi nga maglalaon at may pagmamalaki nating masasagot ang tanong na

Bakit ka masaya?

Ikaw? Bakit ka masaya?

Hawla ng Nakaraan


Bigkis ng sakit at hinanakit

Mula sa tinamong sugat at pait

Sa puso’y may nakaukit na hinaing

Kahit na anong pagpupumiglas,

Hindi pa din magawang kumawala

Mula sa gapos na dulot ng kahapon

Nagamot man ang pusong sugatan

Bilanggo pa din sa hawla ng nakaraan,

Anino ng mapait nyang kahapon

Pilit pa ring nagkukubli, doon,

Sa likod ng kanyang mga ngiti