5-14-2012 10:00 a.m
Ang saya pala sa pakiramdam na kahit minsan ay masolo mo ang inyong bahay, yung wala ang nanay mo wala ang tatay mo kahit na ang alaga nyong aso ay nakuha na ring maglayas. Masaya sa pakiramdam kasi solo mo ang telebisyon, wala kang kaagaw sa sofa at pwede kang mag telebabad ng walang mananaway sayo. Pero isang bagay ang pumasok sa isip ko sa pagkakataong ito, dahil tahimik ang kapaligiran, masarap ang mag muni-muni at lalong masarap ang sumulat.
Tinungo ko ang aking silid upang kuhain ang paborito kong kaibigan, ang aking pulang kwaderno pati na din ang kakambal nyang lapis. Marami rami na rin pala ang laman nito mga ala – ala mula sa nakaraan, mga tula, mga photo collage at kung ano ano pa. Muli akong bumalik sa aming sala, sumalampak sa sahig at ipinatong sa ibabaw ng center table ang kwaderno na aking hawak. Sinimulan kong iguhit ang lapis na aking hawak sa pahinang walang sulat mula sa aking kuwaderno. Ngunit sa di inaasahan at nakapagtatakang sitwasyon ni isang guhit o salita ay ayaw sumulat ng kaibigan kong lapis. Matalim naman ang kanyang tasa kayat nakapagtatakang ayaw nyang sumulat. Inulit ko ang ginawa kong pag guhit, pa ulit ulit hanggang sa mapagod ang aking mga kamay. Ngunit kagaya ng umpisa bigo akong makakita ng kahit isang salita mula sa aking kuwaderno. Sa sobrang inis ko inihagis ko ito at lahat ng nakaipit na mga bagay dito ay sumambulat sa aming sahig.
Hindi ko namalayan na unti unti na pa lang tumutulo ang mga luha sa aking mga mata. Ano nga ba ang pumipigil sa aking mga kamay para hindi maisulat ang nais kong isulat? Ang isipan ko na ayaw nang balikan ang mga ala – alang nais kong itala o ang puso ko na nais ng matigil sa pagluha? Natatakot nga ba sila na malaman ng iba ang katotohanan? O sadyang natatakot na din ang buo kong katauhan na malaman ng marami na sa kabila ng aking mga pag ngiti, sa kabila ng walang sawa kong pag halakhak nag kukubli ang isang damdamin na dumudurog sa aking puso’t isipan.
Mga katotohanan na sa umpisa pa lang ay pilit ko ng ikinubli, sa pamamagitan ng mga ngiti. Mga katotohanang konting salok na lang ay magpapa bagsak sa matibay na pundasyon ng aking katinuan. Pinilit kong ikubli ang lahat sa isang maskarang ako lang ang nakakita pagkat natatakot akong dumating ang panahon na ang maging laman ng aking mga akda ay puro na lang lungkot at pighati. Natatakot akong sumulat ng katotohanan, natatakot akong sumulat ng totoong nilalaman ng aking damdamin. Natatakot akong mahayag sa lahat na sa likod ng isang matatag na ako, sa likod ng matibay kong paninindigan, tila isa akong kandila na unti unti ng natutunaw, na malapit na din matapos ang gampanin sa mundo.
Ngunit sa kabila ng lahat, ang katotohanang ito ay nais kong ikubli na lamang sa langit. Nais kong ipa agos na lamang sa tubig, mga katotohanang hindi ko alam kung hanggang kailan ko makakayang ikubli sa harap ng aking mga tagamasid.