I'm Just Missing You lang talaga ♥
Isang linggo na ang nakakalipas, isang linggo na din ang aking paghihintay. Para bang nangangarap ako na sana pumuti na ang mga uwak dahil sa ka imposiblehan ng mga bagay na gusto kong mangyari. Bakit nga ba napako ako sa ganitong sitwasyon, sitwasyon na dati ay tinatawanan ko lamang. Bagay na hindi ko sukat akalain na mangyayari din pala sa akin! Madalas nilang sabihin sa akin na kapag ako daw ang tinamaan ng ganitong karamdaman doon ko daw maipapaliwanag kung bakit sila nagkaganun, at doon ko lang din daw ma re-realize na hindi nga dapat tinatawanan. Madalas kong isagot sa kanila na malabong maranasan ko ang mga bagay na nararanasan nila, bakit kamo? Paano kasi wala naman talaga sa bokabularyo ko ang mga ganyang bagay, masaya na akong palaging nakatitig sa monitor ng aking kompyuter habang minamasdan ang hinahangaan kong artista! Ngunit sa di sinasadyang pag kakataon nakilala kita. Ikaw na di ko sukat akalain na magbibigay ng sakit sa aking ulo at magpapatumbling nitong aking puso!
Unang kita ko pa lang sayo, iritang irita na ako sa pagmumukha mo. Hindi naman sa sinasabi kong panget ka or mayabang, hindi ko lang talaga alam ang dahilan kung bakit ako naiinis sayo. Minsan tuloy nasabihan pa ako ng talo ko pa daw ang naglilihi pag nakikita kita. Promise kulang na lang talaga sabihin ko sayo ng harapan na kung ma-aari sana pag pupunta ka ng tambayan ay takpan mo ang iyong pagmumukha para hindi ako maiirita pag nakikita ko ito. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko kung bakit sa tuwing nakikita ko ang maganda mong ngiti at ang mapupungay mong mga mata inis na inis ako, hanggang sa isang umaga natuklasan ko din sa wakas ang dahilan ng iritasyon na nararamdaman ko.
Biyernes ng umaga yon, sa di ko malamang dahilan pagmulat ng aking mga mata ikaw ang una kong gustong makita. Gusto kong masilayan ang mapupungay mong mga mata pati na din ang maganda mong ngiti. Dali dali akong bumangon sa aking pagkakahiga naligo at agad na dumiretso sa paborito nating tambayan. Malayo pa lang ako nakikita na kita, nakatalikod ka sa akin at may hawak hawak kang gitara habang ang iba nating mga kaibigan ay nakaupo sa kani kanilang pwesto at nakamasid sayo. Nang mapansin nila na palapit na ako kanya kanya na sila ng tilian at sigawan akala mo ba mga nanalo sa lotto. Unang lumapit sa akin si Arianne na halos ikabingi ko ang pagtili, si Ailyn naman parang hihimatyin na sa sobrang kilig. Samantalang si Mervin at Mark ay nakangiti lang habang pinagmamasdan ka at sabay kindat sa akin. Hinila ako nina Arianne at Ailyn sa upuan na malapit sa tabi mo at sinabing wag akong aalis doon. Ako naman parang bata lang na sumunod sa gusto nila. Inumpisahan mong tipahin ang hawak mong gitara, pamilyar sa akin ang tugtog, ah oo nga pala yung paborito kong kanta ni Taylor Swift! Habang tumitipa ka sinasabayan mo na din ng pag kanta, ng mapakinggan ko ang malamyos mong tinig parang nag tumbling ang libo libong paro paro sa loob ng aking tyan.
Doon na nagsimula ang lahat, inamin mo sa harap ng mga kaibigan natin na mahal mo ako. Hindi na rin ako nagpakipot pa kasi yun rin naman ang nararamdaman ko para sayo. Ang lahat ng inis ko pag nakikita ka ay ang dahilan ng pagkahulog ng puso ko sayo. Ngiti mo palang tumbling na agad ang puso ko paano pa kaya noong sinabi mong mahal mo ako. Ang dati kong tahimik na buhay na umaasa lang sa piktyur ng mga hinahangaan kong artista ay naging makulay dahil sa pagmamahal na ipinakita mo sa akin. Madalas pa nga tatawag ka sa akin para lang tugtugan ako ng gitara at kantahan bagay na lalong nagpapakilig sa akin. Pero isang araw nag pa-alam ka sa akin na aalis ka at uuwi muna sa inyong probinsya. Hindi ko alam kung bakit para akong pinagsakluban ng langit at lupa, isipin ko pa lang ang paglayo mo nalulungkot na ako paano pa kaya ang pagtatagal mo dun. Alam ko naman na babalik ka din hindi lang talaga ako sana’y na wala ka sa aking piling.
Isang linggo na ang nakakalipas, isang linggo na din ang aking paghihintay. Para bang nangangarap ako na sana pumuti na ang mga uwak dahil sa ka imposiblehan ng mga bagay na gusto kong mangyari. Gusto man kitang sundan sa inyong probinsya pero hindi bale na lang nagbago na ang isip ko, pauwi ka na rin naman kasi. I’m just missing you lang talaga!
No comments:
Post a Comment