Nakabibingi ang ingay na
nanggagaling sa ambulansya sa kalsadang aking tinatahak, napakadami din ng tao
sa paligid na ang mga tingin ay nakatuon sa itaas ng gusali. Dahan dahan akong
lumapit sa kanila at akin ding itinuon ang tingin ko sa kanilang tinitingala.
Isa pa lang lalaki ang
nakatayo sa pinaka kantong bahagi ng mataas na gusali. Sa hitsura pa lang nya
mukhang malaki ang dinadala nyang problema sa buhay at mukhang pagpapatiwakal
ang naisip nyang paraan para ito ay matakasan.
Pero maling mali ang paraan na
naiisip nya, alam ko hindi ako super hero para makialam sa kanya, malamang nga
kung aakyat ako at lalapit sa kanya baka hindi pa ako payagan ng mga pulis na
nakabantay na sa kanya. Pero wala namang masama kung susubukan diba? Isa pa,
para naman sa kanya ang gagawin kong pangingialam.
Dali dali kong tinakbo ang
entrance ng gusali, sa pagkakataong ito alam kong magagamit ko ang aking pinag
aralan. Graduate ako ng Psychology at alam kong makakatulong ang mga natutunan
ko para di matuloy ang kanyang binabalak. Alam kong di ako pinalaki ng aking
mga magulang na mangialam sa buhay ng ibang tao, pero alam ko na kung maaawat
ko ang kanyang pinaplano magiging proud sa akin ang mga magulang ko.
Gaya ng inaasahan marami nga
ang nakabantay na pulis sa kanyang paligid, ang isa sa kanila ay may hawak pang
megaphone sa isip isip ko halos isang dipa lang naman ang layo nya sa lalaki
bakit kailangan pa nyang gumamit ng megaphone. Lalapit na sana ako sa lalaki
ngunit pinigilan ako ng isang pulis na pinakamalapit sa akin.
“Bawal ka dito, di mo ba
nakikita nagkakagulo na nga tapos sisingit ka pa”
“Eh sir kapatid ko po yan eh”
pagsisinungaling ko sa kanya.
Tumalikod sya sa akin at
nilapitan ang isa sa mga kasamahan nya, maya maya pa ay sabay na silang
papalapit sa akin.
“Kapatid mo ba sya talaga?”
tanong ng isa.
“Opo” pagtugon ko habang
umuusal ng patawad sa Diyos dahil sa pagsisinungaling ko.
“Sige subukan mo syang
kausapin”
Huminga muna ako ng malalim
bago dahang dahang naglakad sa kinaroroonan ng taong nais wakasan ang kanyang
buhay. Malamig ang simoy ng hangin na marahang humahampas sa aking mukha,
nagdulot ito ng kakaibang sensasyon sa buo kong katawan. Marahan akong umuusal
ng panalangin habang papalapit ako sa kanyang kinatatayuan. Katulad ng nakita
kong pwesto nya kanina mula sa ibaba ng gusali, ganun pa din ang pwesto nya
ngayon nasa likod na niya ako.
“Kung tatalon ka bakit di mo
pa umpisahan? Bakit nakatanga ka pa rin dyan” panimula kong bati sa kanya sabay
tuntong sa tabi ng kanyang kinatatayuan.
“Kung tatalon ba ako dito
sasaya ka ba” baling nyang tanong sa akin.
Medyo nagulat ako at napaisip
sa tanong nya. Ano ba ang dapat kong isagot sa kanya, ayokong magkamali dahil
buhay nya ang nakasalalay dito. Isa lang akong pakialamero na nais makatulong
at ayokong dahil sa maling sagot ko ay mawakasan ang kanyang buhay.
Muli akong huminga ng malalim
at naupo malapit sa kanya.
“Alam mo sa totoo lang sa
totoo lang hindi ko malalaman ang sagot dyan sa tanong mo hanggat di mo
nasusubukang tumalon. Pero bago ka tumalon may isa lang akong katanungan.”
Napansin kong medyo nagulat
sya sa sinabi ko, tumingin sya sa ibaba ng gusali, bumuntong hininga at tsaka
muling nagsalita.
“Ano naman ang tanong mo?”
“Alam kong problema ang
dahilan kaya ka nakatayo ngayon sa tuktok ng gusaling ito. Pero alam mo din
bang hindi solusyon ang naiisip mong paraan para makatakas ka sa problemang
dala dala mo.”
“Bakit ano ba sa tingin mo ang
pinaka mainam na solusyon sa problema ko? Ni hindi mo nga alam kung anong
problema ang kinakaharap ko tapos kung magsalita ka parang ang dami mo ng alam
sa mundo.”
“Bakit naisip mo din ba na
hindi lang naman ikaw ang may problemang kinakaharap sa mundo? Naisip mo din ba
na naisip din kaya nila na magpatiwakal dahil sa bigat ng kanilang pasan?”
“Iba iba naman ang persepsyon
ng tao sa problema, may iba na idinadaan sa tawa. May iba naman na masyadong
dinidibdib, at isa ako sa mga taong iyon. Hindi lang naman iisang beses na
nakaranas ako ng problema, hindi lang ni minsan na sinubok ako ng tadhana. Pero
nakakasawa na, paulit ulit na lang. Oo nakulong ako, nabilanggo dahil sa hindi
ko sinasadyang pagkakadisgrasya sa kaaway ko. Pero pinagsisihan ko na ang lahat
ng iyon sa loob ng bilangguan. Pinagdusahan ko na ang lahat ng iyon, pero heto
pa rin sila minamaliit at minamata pa din ang pagkatao ko.”
“Alam mo ang buhay ay sadyang
ganyan, maraming pagsubok ang kakaharapin mo sa mundo. Pero naiisip mo ba na
kung magpapakamatay ka matatapos na din ang mga problema mo? Paano na ang mga
taong maiiwan mo, mag iisip pa sila kung paano ka ipalilibing, mamomroblema pa
sila kung saan ka ibuburol. Kung sa paningin ng iba isa ka pa ding kriminal
bakit hindi mo patunayan sa kanila na maling mali sila at nagabagong buhay ka
na nga. Sa mundong ito na ating ginagawalan hindi maiiwasan na dumanas ng
pagsubok, hindi din importante kung ano ang tingin at sasabihin sayo ng ibang
tao. Ang higit na importante sa lahat ay kung paano mo isinabuhay ang iyong
pamumuhay. Hindi importante ang masamang pagtingin sayo ng iba, hindi ka naman
namumuhay para sa kanila diba? Nabubuhay ka para sa sarili mo at para na din sa
pamilya mo.”
Nagulat ako ng bigla syang
tumayo, tatalon na nga ata. Ngunit tumalikod sya at bumaba sa aming kinauupuan.
“Salamat kaibigan, tunay ngang
tama ang sinabi mo. Nakakahiyang isipin na sa isang batang katulad mo pa ako
makakarinig ng mga ganyang salita. Hindi man kita kilala, pero nararamdaman ko
sa puso ko na napaka buti mong tao. Sana ay hindi ka magbago, sana marami ka
pang matulungang tao na kagaya ko, kagaya kong pinapanawan ng pag asa. Salamat
sa iyong mga simpleng salita at pa-alala, hinding hindi ko ito makakalimutan.”
Iyon lang ang kanyang sinabi
at dire-diretso na syang lumakad paalis. Ang mga pulis naman sa paligid ay
tuwang tuwang nagpapalakpakan.
Salamat sa Panginoon, ang
tanging nasambit ng aking mga labi.
No comments:
Post a Comment