Monday, December 22, 2014
Handa ka na ba?
Handa ka na ba?
“dan dan dadan, dan dan dadan”
“dan dan dadan dan dan dadan"
Malumay at humahagod sa buong kalamnan ang pumailanglang na awit mula sa kanyang mga labi. Malamyos ang tinig na tila ba isang uyayi na magdadala sayo sa mahimbing na pagtulog.
Paulit ulit. Tila ba walang katapusan ang ginagawa nyang pag awit.
“dan dan dadan, dan dan dadan”
“dan dan dadan dan dan dadan”
Sa pangalawang paghimig ng awit ay kakaiba na ang tinig. Malungkot. Puno ng pait at hinanakit, kasabay ng bawat pagbigkas ng letra ang nakapangingig na himig ng kanyang pagluha. Humahalimuyak din ang nakasusulasok na amoy ng nabubulok na bulaklak sa paligid.
Nakakakilabot. Tila ba nanggagaling sa kailaliman ng lupa ang kanyang tinig.
Maya maya pa ay muling pumailanglang ang kanyang malamyos na tinig. Kasabay ng muli niyang pag awit ang pagkurap ng bawat ilaw sa paligid. Unti – unti habang lumalakas ang kanyang ginagawang paghimig tuluyan ng nilamon ng kadiliman ang paligid.
“Natatakot ka na ba? Nanginginig na ba ang tuhod mo?” tanong ng tinig na tila ba nanggagaling sa ilalim ng lupa.
“Naaamoy ko ang iyong pangamba, nararamdaman kong malapit ng sumuko ang katinuan mo”
Kasabay ng kanyang nakabibinging halakhak ang muli niyang paghimig sa awit.
“dan dan dadan, dan dan dadan”
“dan dan dadan dan dan dadan”
“Natatandaan mo pa ba ang pangako mo sakin? O kinalimutan mo na kasabay ng pagtalikod mo sakin?”
“Tuparin mo na ang iyong pangako, malungkot ang mag isa. Nakakapagod. Kailangan kita sa piling ko.”patuloy pa nitong paglitanya habang walang patid ang pagluha nito.
Nakakasulasok ang amoy na unti unting bumabalot sa paligid.
Nakakahilo. Ngunit tila ba isa itong gamot na naging dahilan ng pagpayapa ng kanyang isipan.
“dan dan dadan, dan dan dadan”
“dan dan dadan dan dan dadan”
Mula sa ilaw na nanggagaling sa liwanag ng buwan ay kanyang nasipat ang babaeng kausap. Maamo at pamilyar ang kanyang magandang mukha, ngunit kung pagmamasdang mabuti ay mababakas ang nakakabagabag na kalungkutan.
Sa muling pagkurap ng kanyang mga mata iba na ang anyo ng kanyang kaharap. Hindi maitatago ng kadiliman ang nakahahabag nitong kalagayan, halos naaagnas na ang kabilang bahagi ng mukha nito, habang mababakas naman sa leeg nito ang tanda ng kahapon na pilit nitong tinalikuran.
***********************************************************
“dan dan dadan, dan dan dadan”
“dan dan dadan dan dan dadan”
Humahalimuyak ang amoy ng rosas sa buong paligid. Mababakas din sa ngiti ng bawat tao sa loob ng simbahan ang kaligayahan na kanilang nararamdaman.
Ngunit hindi ang babae sa unahan na kanina pa hindi mapakali sa kanyang kinauupuaan.
Alas kwatro ang takdang oras ng kanilang kasal ngunit sa hindi malamang dahilan ala sais na’y hindi pa din dumadating ang lalaking kanyang pakakasalan.
Unti unting nangilid ang luha sa kanyang mga mata, habang pilit siyang inaakay ng kanyang mga magulang para umuwi sa kanilang tahanan ay unti unti naman siyang nilalamon ng matinding kalungkutan.
Dumidilim ang paligid, malamig ang pag ihip ng hangin na humahalik sa kanyang mga balat.
Mabigat ang bawat hakbang na kanyang ginagawa, habang hila hila ang silya na magsisilbi niyang sandalan sa binabalak na kamatayan. Marahang niyang inihagis ang hawak niyang tali patungo sa kisame na nagsisilbing pundasyon ng kanilang bubong. Nang kanyang masiguro na mahigpit na pagkakabuhol ng tali tsaka niya ito ginawang kwintas, matapos ang marahang pag usal ng mga katagang nagmumula sa kanyang papel na hawak mabilis niyang sinipa papalayo ang upuan na kanyang tinutungtungan.
Pilit syang kumakawala mula sa tali na unti unting pumipigil sa kanyang paghinga. Kakawag kawag sya na tila isang bata na ngayon pa lang natututong lumangoy. Ilang sandali pa kusa ng pumayapa ang paligid.
Kasabay ng pagsibol ng araw ang nakabibinging hiyawan sa paligid. Kasunod noon ang walang katapusang pagbaha ng kalungkutan na bumalot sa buong silid.
**********************************************************
“dan dan dadan, dan dan dadan”
“dan dan dadan dan dan dadan”
“Handa ka na ba?”
-end-
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment