Kaysarap damhin ng marahang paghampas ng malamig na hangin sa aking mukha. Ang bawat pagsayaw ng mga dahon sa ibabaw ng punong aking kinasisilungan ay tila ba mga batang gustong matutong lumipad. Mataman kong pinagmamasdan ang papalubog na araw, tila ba isang maningas na apoy na inilulubog sa batya ng tubig. Dahan dahan kong iginuhit ang aking kamay sa kwadernong pula na aking tangan tangan. Habang isinusulat ang bawat salitang pumapasok sa aking isipan, isa isang nagbabalik sa aking kamalayan ang larawan ng kahapong ayaw ko ng masilayan.
Isang kahapon na nais ko ng lubos na makalimutan.
Masaya noon ang bawat sandali ng ating buhay, bawat araw ay punong puno ng pag asa, ligaya at pagmamahalan. Halos hindi tayo magkandatuto kung paano natin gugugulin ang ating mga oras sapagkat sa bawat pagkakataon ay pumapailanglang ang ating mga halakhakan. Munti man ang mga bagay sa ating paligid hindi ito naging hadlang upang di natin makamit ang ating mga pangarap.
Ngunit sa isang iglap lahat ng iyon ay naglaho, parang bula na tinusok ng karayom.
Pilit kong inaanalisa ang aking mga naging pagkukulang. Mga pagkakamali na di ko alam kung nagkaroon ng nga ba ng puwang sa ating buhay. Ilang beses ding umukilkil sa aking isipan kung bakit sa kabila ng aking buong pusong pagmamahal sayo nakuha mo pa ding magmahal ng iba. Pilit nilang ipinapa intindi sakin na ang lahat ng bagay ay may hangganan. Akala ko noon ang ating pagmamahalan ay walang katapusan, na sa aking pagtanda mukha mo ang aking masisilayan sa pagbungad ng panibagong umaga. Halos gumuho ang aking mundo ng sabihin mo sa aking hindi ka na muli pang babalik sa aking piling, naalala ko pa nga noong araw ng iyong pag alis binitawan mo ang isang pangako na sa iyong pagbabalik tangan mo na ang singsing ng ating pag iisang dibdib. Subalit ang lahat ng iyon tila isa na lamang palabas sa pelikula, parang isang panaginip na malayo sa katotohanan. Lumipas ang maraming taon sa aking buhay pinilit kong ibangon ang nalugmok kong puso’t isipan. Pinilit kong gumising sa umaga na may ngiti sa aking mga labi. Gusto kong ipakita sa kanila na sa kabila ng lahat ng nangyari sa akin kaya kong mabuhay ng wala ka, kaya kong ngumiti at tumawa ng wala ka sa aking buhay.
Muli kong iginuhit ang hawak kong lapis sa kwadernong pula na aking tangan tangan.
Bukas na ang araw ng kasal namin ni Ronilo, si Ronilo na syang tumulong sa akin para makalimutan ang lahat ng sakit na aking naranasan. Si Ronilo na handang ibuwis ang sarili nyang buhay para lamang sa akin. Si Ronilo na sya kong pag aalayan ng aking puso’t isipan, ng aking buhay. Sa kanya ko isusuko ang aking buong pusong pagmamahal. At kasabay ng aming pag iisang dibdib tuluyan ng mababaon sa limot ang kahit ano mang bakas ng kahapon.
Bakas ng kahapon na lubusan ko ng kalilimutan.
Saturday, March 17, 2012
Kwadernong Pula
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment