Monday, March 19, 2012

Kung ako na lang sana

Ilang oras ko ng tintitigan ang larawan sa ibabaw ng aking lamesa, pero kahit anong usal ko ng panalangin o kahit na anong yugyog ang gawin ko sa kanya nanatili lang syang nakangiti sakin. Nagmimistula na akong nawawala sa sariling bait kakatanong sa kanya kung kamusta na ba sya, kung ano ba ang mga pinagkaka abalahan nya at kung namimiss na din ba niya ako. Ngunit kahit siguro abutin na ako ng pagakagunaw ng mundo di ko pa rin makakamit ang matamis nyang pagsagot. Ilang beses ko na ding nasaulo ang bawat bahagi ng kanyang mukha, ang kanyang mapupungay na mga mata, ang matangos nyang ilong at ang mga labi nya na tila ba nang – aakit. Halos gabi gabi ko din syang kausap bago ako matulog, pero wala talaga ayaw pa din nyang sumagot.

Sinubukan kong gumawa ng liham para sa kanya, ang korni ko no pwede namang mag text gamit ang cellphone pero mas pinili ko pa din ang makalumang paraan ng koreo. Bakit kamo? Para sa akin kasi mas may dating at mas may lambing kung mismong sulat kamay ko ang mababasa nya. Yun nga lang siguro tamad syang magbasa kaya di nya sinasagot mga sulat ko. Nagkaroon na nga ako ng kalyo sa daliri kakasulat sa kanya araw araw, pero ni minsan di ako nakatanggap ng sagot sa aking mga sulat. Iniisip ko nga kung mali ba ang address na nailalagay ko o kung doon pa ba sya nakatira. Pero ng minsan kong dalawin ang kanilang tahanan laking tuwa ko ng makita ko syang nakatayo malapit sa bintana malayo ang tingin at tila may malalim na iniisip. Sinubukan kong kumaway ngunit tila isa syang bulag na walang nakikita sa paligid kaya naman halos sumayad na sa lupa ang pag haba ng nguso ko dahil sa pagkabigong mapansin nya.

Sabi ng mga kakilala ko’t kaibigan kalimutan ko na lang daw sya, pero paano mo makakalimutan ang nag iisang nag mamay-ari ng puso mo? Paano mo makakalimutan ang nag iisang pangarap mo sa buhay? Pinilit kong ipamukha sa sarili ko na hindi sya ang taong nababagay para sa akin, na hindi siya ang nararapat na makasama ko sa aking pagtanda, pero kahit na anong sampal ko sa aking sarili siya at siya pa din ang inisigaw at itinitibok nitong makulit kong puso. Ano kaya kung mag pa heart transplant na lang ako baka sakaling sa iba na mabaling ang pagmamahal ko? Pero malabo yun, wala kaming malaking pera para mag paopera, lalong hindi papayag ang mga doktor kasi malusog naman ang puso ko. Malusog nga ba? Eh ilang beses na nga akong nahirapan huminga kakaisip sa kanya. Lahat na lang ata ng sama ng loob ko dahil sa pagkabigo sa kanya eh naipon na sa puso ko.

Napadaan na naman ako sa bahay nyo ngayong hapon lang, as usual ganun pa din ang hitsura mo nakatanaw sa bintana malayo ang tingin at tila ba malalim ang iniisip. Pero sa hitsura mo ngayon, tila ba may kakaiba pero di ko lang alam kung ano nga ba. Paalis na sana ako ng biglang may tumawag sa akin, ang nanay mo pala. Masinsinan kaming nagka usap ng iyong nanay, labis akong nalungkot sa aking nalaman. Halos ikalaglag ito ng balikat ko at ikalabas ng puso ko sa aking dibdib. Kaya pala malayo parati ang iyong tanaw, kaya pala parating tila ba malalim ang iyong iniisip dahil sa nangyari sayo. Buti na lang nandyan ang mapagmahal mong pamilya na handa pa ding umalalay sayo sa kabila ng sinapit mo. Pero kung ako ang pinili imbes na ang babaeng yun na naging pangarap mo sa buhay, di mo sana sasapitin ang ganyang sitwasyon. Hindi sana aabot na mawala ka sa sarili mong katinuan.

Kung ako na lang sana ang pinili mo di sana'y masaya pa tayo ngayon.


No comments:

Post a Comment