Thursday, August 16, 2012

Roof Top

Nakabibingi ang ingay na nanggagaling sa ambulansya sa kalsadang aking tinatahak, napakadami din ng tao sa paligid na ang mga tingin ay nakatuon sa itaas ng gusali. Dahan dahan akong lumapit sa kanila at akin ding itinuon ang tingin ko sa kanilang tinitingala.

Isa pa lang lalaki ang nakatayo sa pinaka kantong bahagi ng mataas na gusali. Sa hitsura pa lang nya mukhang malaki ang dinadala nyang problema sa buhay at mukhang pagpapatiwakal ang naisip nyang paraan para ito ay matakasan.

Pero maling mali ang paraan na naiisip nya, alam ko hindi ako super hero para makialam sa kanya, malamang nga kung aakyat ako at lalapit sa kanya baka hindi pa ako payagan ng mga pulis na nakabantay na sa kanya. Pero wala namang masama kung susubukan diba? Isa pa, para naman sa kanya ang gagawin kong pangingialam.

Dali dali kong tinakbo ang entrance ng gusali, sa pagkakataong ito alam kong magagamit ko ang aking pinag aralan. Graduate ako ng Psychology at alam kong makakatulong ang mga natutunan ko para di matuloy ang kanyang binabalak. Alam kong di ako pinalaki ng aking mga magulang na mangialam sa buhay ng ibang tao, pero alam ko na kung maaawat ko ang kanyang pinaplano magiging proud sa akin ang mga magulang ko.

Gaya ng inaasahan marami nga ang nakabantay na pulis sa kanyang paligid, ang isa sa kanila ay may hawak pang megaphone sa isip isip ko halos isang dipa lang naman ang layo nya sa lalaki bakit kailangan pa nyang gumamit ng megaphone. Lalapit na sana ako sa lalaki ngunit pinigilan ako ng isang pulis na pinakamalapit sa akin.

“Bawal ka dito, di mo ba nakikita nagkakagulo na nga tapos sisingit ka pa”

“Eh sir kapatid ko po yan eh” pagsisinungaling ko sa kanya.

Tumalikod sya sa akin at nilapitan ang isa sa mga kasamahan nya, maya maya pa ay sabay na silang papalapit sa akin.

“Kapatid mo ba sya talaga?” tanong ng isa.

“Opo” pagtugon ko habang umuusal ng patawad sa Diyos dahil sa pagsisinungaling ko.

“Sige subukan mo syang kausapin”

Huminga muna ako ng malalim bago dahang dahang naglakad sa kinaroroonan ng taong nais wakasan ang kanyang buhay. Malamig ang simoy ng hangin na marahang humahampas sa aking mukha, nagdulot ito ng kakaibang sensasyon sa buo kong katawan. Marahan akong umuusal ng panalangin habang papalapit ako sa kanyang kinatatayuan. Katulad ng nakita kong pwesto nya kanina mula sa ibaba ng gusali, ganun pa din ang pwesto nya ngayon nasa likod na niya ako.

“Kung tatalon ka bakit di mo pa umpisahan? Bakit nakatanga ka pa rin dyan” panimula kong bati sa kanya sabay tuntong sa tabi ng kanyang kinatatayuan.

“Kung tatalon ba ako dito sasaya ka ba” baling nyang tanong sa akin.

Medyo nagulat ako at napaisip sa tanong nya. Ano ba ang dapat kong isagot sa kanya, ayokong magkamali dahil buhay nya ang nakasalalay dito. Isa lang akong pakialamero na nais makatulong at ayokong dahil sa maling sagot ko ay mawakasan ang kanyang buhay.

Muli akong huminga ng malalim at naupo malapit sa kanya.

“Alam mo sa totoo lang sa totoo lang hindi ko malalaman ang sagot dyan sa tanong mo hanggat di mo nasusubukang tumalon. Pero bago ka tumalon may isa lang akong katanungan.”

Napansin kong medyo nagulat sya sa sinabi ko, tumingin sya sa ibaba ng gusali, bumuntong hininga at tsaka muling nagsalita.

“Ano naman ang tanong mo?”

“Alam kong problema ang dahilan kaya ka nakatayo ngayon sa tuktok ng gusaling ito. Pero alam mo din bang hindi solusyon ang naiisip mong paraan para makatakas ka sa problemang dala dala mo.”

“Bakit ano ba sa tingin mo ang pinaka mainam na solusyon sa problema ko? Ni hindi mo nga alam kung anong problema ang kinakaharap ko tapos kung magsalita ka parang ang dami mo ng alam sa mundo.”

“Bakit naisip mo din ba na hindi lang naman ikaw ang may problemang kinakaharap sa mundo? Naisip mo din ba na naisip din kaya nila na magpatiwakal dahil sa bigat ng kanilang pasan?”

“Iba iba naman ang persepsyon ng tao sa problema, may iba na idinadaan sa tawa. May iba naman na masyadong dinidibdib, at isa ako sa mga taong iyon. Hindi lang naman iisang beses na nakaranas ako ng problema, hindi lang ni minsan na sinubok ako ng tadhana. Pero nakakasawa na, paulit ulit na lang. Oo nakulong ako, nabilanggo dahil sa hindi ko sinasadyang pagkakadisgrasya sa kaaway ko. Pero pinagsisihan ko na ang lahat ng iyon sa loob ng bilangguan. Pinagdusahan ko na ang lahat ng iyon, pero heto pa rin sila minamaliit at minamata pa din ang pagkatao ko.”

“Alam mo ang buhay ay sadyang ganyan, maraming pagsubok ang kakaharapin mo sa mundo. Pero naiisip mo ba na kung magpapakamatay ka matatapos na din ang mga problema mo? Paano na ang mga taong maiiwan mo, mag iisip pa sila kung paano ka ipalilibing, mamomroblema pa sila kung saan ka ibuburol. Kung sa paningin ng iba isa ka pa ding kriminal bakit hindi mo patunayan sa kanila na maling mali sila at nagabagong buhay ka na nga. Sa mundong ito na ating ginagawalan hindi maiiwasan na dumanas ng pagsubok, hindi din importante kung ano ang tingin at sasabihin sayo ng ibang tao. Ang higit na importante sa lahat ay kung paano mo isinabuhay ang iyong pamumuhay. Hindi importante ang masamang pagtingin sayo ng iba, hindi ka naman namumuhay para sa kanila diba? Nabubuhay ka para sa sarili mo at para na din sa pamilya mo.”

Nagulat ako ng bigla syang tumayo, tatalon na nga ata. Ngunit tumalikod sya at bumaba sa aming kinauupuan.

“Salamat kaibigan, tunay ngang tama ang sinabi mo. Nakakahiyang isipin na sa isang batang katulad mo pa ako makakarinig ng mga ganyang salita. Hindi man kita kilala, pero nararamdaman ko sa puso ko na napaka buti mong tao. Sana ay hindi ka magbago, sana marami ka pang matulungang tao na kagaya ko, kagaya kong pinapanawan ng pag asa. Salamat sa iyong mga simpleng salita at pa-alala, hinding hindi ko ito makakalimutan.”

Iyon lang ang kanyang sinabi at dire-diretso na syang lumakad paalis. Ang mga pulis naman sa paligid ay tuwang tuwang nagpapalakpakan.

Salamat sa Panginoon, ang tanging nasambit ng aking mga labi.

My Endless Sonata

I’m dwelling with an endless drip
But it keeps on falling, uncontrollably
I wanted to leave and
Rest in peace these miseries
But my heart wanted to stay
It rather choose to feel the pain than
Suffer the grief of loosing
It is such an endless sonata,
Unbearable music,
That keeps my soul weeps.
Such an agony, such a pain
Running round and round inside my brain
How to cease this distress
How to stop the endless drip
No one knows, even myself
I really want to lay six feet under
So in this vain, I could escape
I wish to wake up from this
Infinite nightmare
But deep within me I know
Waking up is hardest thing
Because from the moment
I shut my eyes
This endless vain will still remain
My endless sonata
My endless music
Running round and round inside my brain

Monday, May 21, 2012

Katotohanan



5-14-2012 10:00 a.m

Ang saya pala sa pakiramdam na kahit minsan ay masolo mo ang inyong bahay, yung wala ang nanay mo wala ang tatay mo kahit na ang alaga nyong aso ay nakuha na ring maglayas. Masaya sa pakiramdam kasi solo mo ang telebisyon, wala kang kaagaw sa sofa at pwede kang mag telebabad ng walang mananaway sayo. Pero isang bagay ang pumasok sa isip ko sa pagkakataong ito, dahil tahimik ang kapaligiran, masarap ang mag muni-muni at lalong masarap ang sumulat.

Tinungo ko ang aking silid upang kuhain ang paborito kong kaibigan, ang aking pulang kwaderno pati na din ang kakambal nyang lapis. Marami rami na rin pala ang laman nito mga ala – ala mula sa nakaraan, mga tula, mga photo collage at kung ano ano pa. Muli akong bumalik sa aming sala, sumalampak sa sahig at ipinatong sa ibabaw ng center table ang kwaderno na aking hawak. Sinimulan kong iguhit ang lapis na aking hawak sa pahinang walang sulat mula sa aking kuwaderno. Ngunit sa di inaasahan at nakapagtatakang sitwasyon ni isang guhit o salita ay ayaw sumulat ng kaibigan kong lapis. Matalim naman ang kanyang tasa kayat nakapagtatakang ayaw nyang sumulat. Inulit ko ang ginawa kong pag guhit, pa ulit ulit hanggang sa mapagod ang aking mga kamay. Ngunit kagaya ng umpisa bigo akong makakita ng kahit isang salita mula sa aking kuwaderno. Sa sobrang inis ko inihagis ko ito at lahat ng nakaipit na mga bagay dito ay sumambulat sa aming sahig.

Hindi ko namalayan na unti unti na pa lang tumutulo ang mga luha sa aking mga mata. Ano nga ba ang pumipigil sa aking mga kamay para hindi maisulat ang nais kong isulat? Ang isipan ko na ayaw nang balikan ang mga ala – alang nais kong itala o ang puso ko na nais ng matigil sa pagluha? Natatakot nga ba sila na malaman ng iba ang katotohanan? O sadyang natatakot na din ang buo kong katauhan na malaman ng marami na sa kabila ng aking mga pag ngiti, sa kabila ng walang sawa kong pag halakhak nag kukubli ang isang damdamin na dumudurog sa aking puso’t isipan.

Mga katotohanan na sa umpisa pa lang ay pilit ko ng ikinubli, sa pamamagitan ng mga ngiti. Mga katotohanang konting salok na lang ay magpapa bagsak sa matibay na pundasyon ng aking katinuan. Pinilit kong ikubli ang lahat sa isang maskarang ako lang ang nakakita pagkat natatakot akong dumating ang panahon na ang maging laman ng aking mga akda ay puro na lang lungkot at pighati. Natatakot akong sumulat ng katotohanan, natatakot akong sumulat ng totoong nilalaman ng aking damdamin. Natatakot akong mahayag sa lahat na sa likod ng isang matatag na ako, sa likod ng matibay kong paninindigan, tila isa akong kandila na unti unti ng natutunaw, na malapit na din matapos ang gampanin sa mundo.

Ngunit sa kabila ng lahat, ang katotohanang ito ay nais kong ikubli na lamang sa langit. Nais kong ipa agos na lamang sa tubig, mga katotohanang hindi ko alam kung hanggang kailan ko makakayang ikubli sa harap ng aking mga tagamasid.
I'm Just Missing You lang talaga ♥ 

Isang linggo na ang nakakalipas, isang linggo na din ang aking paghihintay. Para bang nangangarap ako na sana pumuti na ang mga uwak dahil sa ka imposiblehan ng mga bagay na gusto kong mangyari. Bakit nga ba napako ako sa ganitong sitwasyon, sitwasyon na dati ay tinatawanan ko lamang. Bagay na hindi ko sukat akalain na mangyayari din pala sa akin! Madalas nilang sabihin sa akin na kapag ako daw ang tinamaan ng ganitong karamdaman doon ko daw maipapaliwanag kung bakit sila nagkaganun, at doon ko lang din daw ma re-realize na hindi nga dapat tinatawanan. Madalas kong isagot sa kanila na malabong maranasan ko ang mga bagay na nararanasan nila, bakit kamo? Paano kasi wala naman talaga sa bokabularyo ko ang mga ganyang bagay, masaya na akong palaging nakatitig sa monitor ng aking kompyuter habang minamasdan ang hinahangaan kong artista! Ngunit sa di sinasadyang pag kakataon nakilala kita. Ikaw na di ko sukat akalain na magbibigay ng sakit sa aking ulo at magpapatumbling nitong aking puso!

Unang kita ko pa lang sayo, iritang irita na ako sa pagmumukha mo. Hindi naman sa sinasabi kong panget ka or mayabang, hindi ko lang talaga alam ang dahilan kung bakit ako naiinis sayo. Minsan tuloy nasabihan pa ako ng talo ko pa daw ang naglilihi pag nakikita kita. Promise kulang na lang talaga sabihin ko sayo ng harapan na kung ma-aari sana pag pupunta ka ng tambayan ay takpan mo ang iyong pagmumukha para hindi ako maiirita pag nakikita ko ito. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko kung bakit sa tuwing nakikita ko ang maganda mong ngiti at ang mapupungay mong mga mata inis na inis ako, hanggang sa isang umaga natuklasan ko din sa wakas ang dahilan ng iritasyon na nararamdaman ko.

Biyernes ng umaga yon, sa di ko malamang dahilan pagmulat ng aking mga mata ikaw ang una kong gustong makita. Gusto kong masilayan ang mapupungay mong mga mata pati na din ang maganda mong ngiti. Dali dali akong bumangon sa aking pagkakahiga naligo at agad na dumiretso sa paborito nating tambayan. Malayo pa lang ako nakikita na kita, nakatalikod ka sa akin at may hawak hawak kang gitara habang ang iba nating mga kaibigan ay nakaupo sa kani kanilang pwesto at nakamasid sayo. Nang mapansin nila na palapit na ako kanya kanya na sila ng tilian at sigawan akala mo ba mga nanalo sa lotto. Unang lumapit sa akin si Arianne na halos ikabingi ko ang pagtili, si Ailyn naman parang hihimatyin na sa sobrang kilig. Samantalang si Mervin at Mark ay nakangiti lang habang pinagmamasdan ka at sabay kindat sa akin. Hinila ako nina Arianne at Ailyn sa upuan na malapit sa tabi mo at sinabing wag akong aalis doon. Ako naman parang bata lang na sumunod sa gusto nila. Inumpisahan mong tipahin ang hawak mong gitara, pamilyar sa akin ang tugtog, ah oo nga pala yung paborito kong kanta ni Taylor Swift! Habang tumitipa ka sinasabayan mo na din ng pag kanta, ng mapakinggan ko ang malamyos mong tinig parang nag tumbling ang libo libong paro paro sa loob ng aking tyan.

Doon na nagsimula ang lahat, inamin mo sa harap ng mga kaibigan natin na mahal mo ako. Hindi na rin ako nagpakipot pa kasi yun rin naman ang nararamdaman ko para sayo. Ang lahat ng inis ko pag nakikita ka ay ang dahilan ng pagkahulog ng puso ko sayo. Ngiti mo palang tumbling na agad ang puso ko paano pa kaya noong sinabi mong mahal mo ako. Ang dati kong tahimik na buhay na umaasa lang sa piktyur ng mga hinahangaan kong artista ay naging makulay dahil sa pagmamahal na ipinakita mo sa akin. Madalas pa nga tatawag ka sa akin para lang tugtugan ako ng gitara at kantahan bagay na lalong nagpapakilig sa akin. Pero isang araw nag pa-alam ka sa akin na aalis ka at uuwi muna sa inyong probinsya. Hindi ko alam kung bakit para akong pinagsakluban ng langit at lupa, isipin ko pa lang ang paglayo mo nalulungkot na ako paano pa kaya ang pagtatagal mo dun. Alam ko naman na babalik ka din hindi lang talaga ako sana’y na wala ka sa aking piling.

Isang linggo na ang nakakalipas, isang linggo na din ang aking paghihintay. Para bang nangangarap ako na sana pumuti na ang mga uwak dahil sa ka imposiblehan ng mga bagay na gusto kong mangyari. Gusto man kitang sundan sa inyong probinsya pero hindi bale na lang nagbago na ang isip ko, pauwi ka na rin naman kasi. I’m just missing you lang talaga!

Tuesday, May 1, 2012

Music is my medicine


Music is my medicine
It brings calmness,
Soothes my soul
Embracing me tightly
Swaying me softly
Were drifting together
Towards infinity

Beyond my darkest hour
It lightens my spirit
Bringing unexplainable magic
Healing my heart in tragic

It paints happiness all over my face
Grooving my body without control
Showing me the brightest shade of life
Eliminating all my madness

Music is my medicine
Yes it brings calmness
Yes it soothes my soul
But only for a while

Here in the darkness

Here in the darkness I want to hide
no colors, no illusions just pure black
no pretensions, no questions needed to ask
just hearing the sound of my beating heart

if by chance you gaze in darkness
and you saw me hiding behind the blackness
don’t dare to touch me for I wont respond
coz’ i just want to lay my heart and rest my sadness

in the darkness I found my calmness
embracing me with pure gladness
and as I lay with it resting my lunacy
without hesitation I will let it feed with my insanity

as we further travel the eerie path of it’s kingdom
I want to express myself just for the last time
before closing my eyes and drifted away
hear my heart hear what it wanted to say

just for this last time, yes I swear
I love you dear happy and good bye for today

Sunday, April 22, 2012

Bawal


Unti unti akong nahuhulog sa kanyang mapupungay na mga mata, tila isa itong hipnotismo na pag iyong natitigan tuluyan kang mawawala sa sarili mong kamalayan. Sa kanyang mga ngiti ay patuloy akong nahuhumaling, pilit kong pinipigalan ang aking sarili dahil ang lahat ng ito ay bawal.
“Bawal hindi na ma-aari, hindi na pwede”
“Pero bakit? Paano mo ito mapipigilan?”
Pilit na nagtatalo ang aking puso’t isipan. Sino nga ba ang dapat na magwagi sa kanilang dalawa? Ang puso ko na walang kadala dala sa mga tinatamong kabiguan o ang isipan kong hindi kayang talunin ang aking puso pagdating sa larangan ng pag – ibig?
Bakit nga ba bawal?
Tulad ng mga bituin sa malawak na kalangitan ang kaningningan nito ay pag aari na ng buwan, na kahit na anong pilit kong abutin malabo pa sa tubig ng ilog pasig kong makakamit. Yung tipong kahit na maghintay ako sa kanyang pagbasak sa lupa sa huli hindi pa rin sya mapapasa akin kasi malamang naman na hindi din sa eksaktong lugar na kinatatayuan ko ang magiging pagbagsak nya.
“Pigilan mo ang aking puso na tumibok para sayo, ikaw lang ang tanging makagagawa non.”
Bukod tanging ikaw lang ang makakapipigil sa damdaming ito na namumuo sa aking puso. Dahil ikaw naman ang dahilan kung bakit ito muling natutong tumibok. Pero paano? Gayong wala ka namang kamalay malay sa nararamdaman ko para sayo. Ni katiting na ideya alam kong wala ka, dahil ang alam mo ang mga ngiti ko ay pag mamay ari na ng iba, pero ang katotohanan ang lahat ng ngiting ito ay sayo nagmumula.
“Basta isipin mo lang na bawal!”
Oo na, sige na, sa ngayon hahayaan kong manaig ang aking isipan dahil alam kong wala rin naman tong patutunguhan. Sa huli wala rin naman akong ibang sisihin kungdi ang aking sarili. Kaya’t habang maaga pa pipigilin ko na ang bawal.
“Ang bawal na pag ibig na namumuo sa loob ng aking puso’t isipan”.

Tuesday, April 10, 2012

Bakit nga ba ako masaya?


Mataman kong minamasdan ang masayang harutan ng bata sa kalsada mula sa aming bintana. Hindi nila alintana ang init na nagmumula sa matinding sikat ng araw, ang mahalaga masaya silang naghaharutan na magkakaibigan. Napapangiti na ako sa kanilang ginagawa, para itong isang sakit na nakakahawa. Habang umaangal ang isa dahil sa sakit na natamo nya mula sa kanilang paglalaro ng pitik bulag, ang isa naman ay halos lumuwa na ang ngalangala sa kakatawa. Aliw na aliw ako sa kanilang ginagawa ng mapukaw ang atensyon ko dahil sa pagtunog ng aking telepono na nagsasabing may mensahe akong natanggap. Agad kong tinignan kung sino ang nagpadala ng mensahe, ngunit isang numero lang ang rumehistro mula sa aking telepono, at ang nilalaman ng mensahe:

Bakit ka masaya?”

Napangiti ako sa laman ng mensahe at napaisip, bakit nga ba ako masaya, bakit nga ba sa kabila ng mga natamo kong pait at sugat mula sa kahapon nakukuhang ngumiti at humalakhak na tila ba walang katapusan. Alam ko marami ang nagtataka sa ngiti ko na tila ba puno ng panibagong pag asa. Hindi naman alintana sa lahat ang pait na aking naranasan. Inaamin ko masakit ang mga naging pagsubok na tinamo ko sa buhay, umabot pa sa puntong halos ikawasak ito ng aking mga pangarap at lumuha ako na tila ba wala ng bukas. Hindi lang isang beses akong nabigo sa pag – ibig, hindi lang isang beses na lumuha ako ng dahil sa pagkabigo na makamit ang pangarap. Nandyang maranasan ko pa na paasahin ako at biglang iwan sa ere. Talunan man ako sa larangan ng pag – ibig ngunit hindi ito naging dahilan para tuluyan akong mawalan ng pag asa. Hindi ko ito ginawang basehan para hindi muling ibalik ang ngiti sa aking mga labi. Maaaring isipin ng iba na nagpapanggap lang ako na masaya, na sa likod ng aking mga ngiti patuloy na lumuluha ang aking puso, patuloy na nagtatanong kung kailan matatapos ang pait na natamo. Inaamin ko noong una ganyan ang pakiramdam ko, ganyan ang pananaw ko sa buhay na ikubli na lang ang sakit na nadarama. Ngunit katulad ng mga ibon na lumilipad sa himpapawid

May kapaguran din ako at kailangan kong magpahinga”

Tama! Umabot na din sa puntong kusa ng sumuko ang puso’t isipan ko na alalahanin pa ang mga bagay na nagbibigay sa akin ng mapait na ngiti. Naisip ko, bakit ko ba hahayaang lamunin ako ng nakaraan gayong pwede pa rin naman akong ngumiti sa kabila ng nangyari sa nakaraan. Napagtanto ko na di lang naman sa pag ibig magiging masaya ang isang tao, hindi rin naman sa isang materyal na bagay lang magiging maligaya ang iyong puso. Maraming bagay sa paligid na maaaring maging inspirasyon upang muling gumuhit ang isang magandang ngiti sa iyong mga labi. Sa simpleng halakhakan ng mga bata na natatanaw ko mula sa aming bintana, sa mga kulitan at harutan naming magkakaibigan, sa sermon at yakap ng aking mga magulang, sa pangungulit at paglalambing ng mga studyante sa paaralang aking pinapasukan, muli kong nahanap ang ngiti at saya na gumuhit sa aking labi.

Nasugatan man ang puso ko at namarkahan ng peklat”

Hindi ko ito hahayaang makaapekto sa aking buhay, tulad ng isang unos na dumadaan sa tahimik na mundo ng karagatan dadating din muli ang isang magandang pagsikat ng araw. Hindi naman sa unos natatapos ang mundo ng karagatan, ang pagsikat na muli ng araw ay isang hudyat upang ang pag asa sa ating mga puso ay hindi maparam. Matuto lang tayong tumanggap ng pagkatalo, matuto lang tayong lumapit sa Diyos na nasa itaas, matuto lang tayong umunawa na ang lahat ng bagay na nagaganap ay naaayon at may dahilan hindi nga maglalaon at may pagmamalaki nating masasagot ang tanong na

Bakit ka masaya?

Ikaw? Bakit ka masaya?

Hawla ng Nakaraan


Bigkis ng sakit at hinanakit

Mula sa tinamong sugat at pait

Sa puso’y may nakaukit na hinaing

Kahit na anong pagpupumiglas,

Hindi pa din magawang kumawala

Mula sa gapos na dulot ng kahapon

Nagamot man ang pusong sugatan

Bilanggo pa din sa hawla ng nakaraan,

Anino ng mapait nyang kahapon

Pilit pa ring nagkukubli, doon,

Sa likod ng kanyang mga ngiti

Monday, March 19, 2012

Kung ako na lang sana

Ilang oras ko ng tintitigan ang larawan sa ibabaw ng aking lamesa, pero kahit anong usal ko ng panalangin o kahit na anong yugyog ang gawin ko sa kanya nanatili lang syang nakangiti sakin. Nagmimistula na akong nawawala sa sariling bait kakatanong sa kanya kung kamusta na ba sya, kung ano ba ang mga pinagkaka abalahan nya at kung namimiss na din ba niya ako. Ngunit kahit siguro abutin na ako ng pagakagunaw ng mundo di ko pa rin makakamit ang matamis nyang pagsagot. Ilang beses ko na ding nasaulo ang bawat bahagi ng kanyang mukha, ang kanyang mapupungay na mga mata, ang matangos nyang ilong at ang mga labi nya na tila ba nang – aakit. Halos gabi gabi ko din syang kausap bago ako matulog, pero wala talaga ayaw pa din nyang sumagot.

Sinubukan kong gumawa ng liham para sa kanya, ang korni ko no pwede namang mag text gamit ang cellphone pero mas pinili ko pa din ang makalumang paraan ng koreo. Bakit kamo? Para sa akin kasi mas may dating at mas may lambing kung mismong sulat kamay ko ang mababasa nya. Yun nga lang siguro tamad syang magbasa kaya di nya sinasagot mga sulat ko. Nagkaroon na nga ako ng kalyo sa daliri kakasulat sa kanya araw araw, pero ni minsan di ako nakatanggap ng sagot sa aking mga sulat. Iniisip ko nga kung mali ba ang address na nailalagay ko o kung doon pa ba sya nakatira. Pero ng minsan kong dalawin ang kanilang tahanan laking tuwa ko ng makita ko syang nakatayo malapit sa bintana malayo ang tingin at tila may malalim na iniisip. Sinubukan kong kumaway ngunit tila isa syang bulag na walang nakikita sa paligid kaya naman halos sumayad na sa lupa ang pag haba ng nguso ko dahil sa pagkabigong mapansin nya.

Sabi ng mga kakilala ko’t kaibigan kalimutan ko na lang daw sya, pero paano mo makakalimutan ang nag iisang nag mamay-ari ng puso mo? Paano mo makakalimutan ang nag iisang pangarap mo sa buhay? Pinilit kong ipamukha sa sarili ko na hindi sya ang taong nababagay para sa akin, na hindi siya ang nararapat na makasama ko sa aking pagtanda, pero kahit na anong sampal ko sa aking sarili siya at siya pa din ang inisigaw at itinitibok nitong makulit kong puso. Ano kaya kung mag pa heart transplant na lang ako baka sakaling sa iba na mabaling ang pagmamahal ko? Pero malabo yun, wala kaming malaking pera para mag paopera, lalong hindi papayag ang mga doktor kasi malusog naman ang puso ko. Malusog nga ba? Eh ilang beses na nga akong nahirapan huminga kakaisip sa kanya. Lahat na lang ata ng sama ng loob ko dahil sa pagkabigo sa kanya eh naipon na sa puso ko.

Napadaan na naman ako sa bahay nyo ngayong hapon lang, as usual ganun pa din ang hitsura mo nakatanaw sa bintana malayo ang tingin at tila ba malalim ang iniisip. Pero sa hitsura mo ngayon, tila ba may kakaiba pero di ko lang alam kung ano nga ba. Paalis na sana ako ng biglang may tumawag sa akin, ang nanay mo pala. Masinsinan kaming nagka usap ng iyong nanay, labis akong nalungkot sa aking nalaman. Halos ikalaglag ito ng balikat ko at ikalabas ng puso ko sa aking dibdib. Kaya pala malayo parati ang iyong tanaw, kaya pala parating tila ba malalim ang iyong iniisip dahil sa nangyari sayo. Buti na lang nandyan ang mapagmahal mong pamilya na handa pa ding umalalay sayo sa kabila ng sinapit mo. Pero kung ako ang pinili imbes na ang babaeng yun na naging pangarap mo sa buhay, di mo sana sasapitin ang ganyang sitwasyon. Hindi sana aabot na mawala ka sa sarili mong katinuan.

Kung ako na lang sana ang pinili mo di sana'y masaya pa tayo ngayon.


Saturday, March 17, 2012

Kwadernong Pula






Kaysarap damhin ng marahang paghampas ng malamig na hangin sa aking mukha. Ang bawat pagsayaw ng mga dahon sa ibabaw ng punong aking kinasisilungan ay tila ba mga batang gustong matutong lumipad. Mataman kong pinagmamasdan ang papalubog na araw, tila ba isang maningas na apoy na inilulubog sa batya ng tubig. Dahan dahan kong iginuhit ang aking kamay sa kwadernong pula na aking tangan tangan. Habang isinusulat ang bawat salitang pumapasok sa aking isipan, isa isang nagbabalik sa aking kamalayan ang larawan ng kahapong ayaw ko ng masilayan.

Isang kahapon na nais ko ng lubos na makalimutan.

Masaya noon ang bawat sandali ng ating buhay, bawat araw ay punong puno ng pag asa, ligaya at pagmamahalan. Halos hindi tayo magkandatuto kung paano natin gugugulin ang ating mga oras sapagkat sa bawat pagkakataon ay pumapailanglang ang ating mga halakhakan. Munti man ang mga bagay sa ating paligid hindi ito naging hadlang upang di natin makamit ang ating mga pangarap.

Ngunit sa isang iglap lahat ng iyon ay naglaho, parang bula na tinusok ng karayom.

Pilit kong inaanalisa ang aking mga naging pagkukulang. Mga pagkakamali na di ko alam kung nagkaroon ng nga ba ng puwang sa ating buhay. Ilang beses ding umukilkil sa aking isipan kung bakit sa kabila ng aking buong pusong pagmamahal sayo nakuha mo pa ding magmahal ng iba. Pilit nilang ipinapa intindi sakin na ang lahat ng bagay ay may hangganan. Akala ko noon ang ating pagmamahalan ay walang katapusan, na sa aking pagtanda mukha mo ang aking masisilayan sa pagbungad ng panibagong umaga. Halos gumuho ang aking mundo ng sabihin mo sa aking hindi ka na muli pang babalik sa aking piling, naalala ko pa nga noong araw ng iyong pag alis binitawan mo ang isang pangako na sa iyong pagbabalik tangan mo na ang singsing ng ating pag iisang dibdib. Subalit ang lahat ng iyon tila isa na lamang palabas sa pelikula, parang isang panaginip na malayo sa katotohanan. Lumipas ang maraming taon sa aking buhay pinilit kong ibangon ang nalugmok kong puso’t isipan. Pinilit kong gumising sa umaga na may ngiti sa aking mga labi. Gusto kong ipakita sa kanila na sa kabila ng lahat ng nangyari sa akin kaya kong mabuhay ng wala ka, kaya kong ngumiti at tumawa ng wala ka sa aking buhay.

Muli kong iginuhit ang hawak kong lapis sa kwadernong pula na aking tangan tangan.

Bukas na ang araw ng kasal namin ni Ronilo, si Ronilo na syang tumulong sa akin para makalimutan ang lahat ng sakit na aking naranasan. Si Ronilo na handang ibuwis ang sarili nyang buhay para lamang sa akin. Si Ronilo na sya kong pag aalayan ng aking puso’t isipan, ng aking buhay. Sa kanya ko isusuko ang aking buong pusong pagmamahal. At kasabay ng aming pag iisang dibdib tuluyan ng mababaon sa limot ang kahit ano mang bakas ng kahapon.

Bakas ng kahapon na lubusan ko ng kalilimutan.


Happy Ending


Pagmulat ko ng aking paningin, labis ang aking naging pagtataka sa aking nasilayan. Napapaligiran ako ng puting pader at may naririnig akong tila tunog ng isang makina. Pinilit kong ikilos ang aking sarili ngunit unting unting gumuhit ang isang matinding kirot sa aking kaliwang kamay at hindi ko maiwasan ang mapahiyaw. Noon ko lang napagtanto na nasa tabi ko ang aking ina, na mabilis na napatindig dahil sa aking pag hiyaw. Bakas na bakas sa kanyang mukha ang labis na pag –aalala. Dahan dahan niyang hinaplos ang aking braso at marahang winika ang mga salitang halos magpadurog ng aking puso,
“Anak mabuti naman at nagising ka na, ilang araw ka ng nakaratay sa higaang yan akala ko lilisananin mo na kami. Halos di ako makakain ni makatulog dahil tako’t na takot ako na mawala ka sa aking piling. Anak wag mo ng uulitin yun ha”
Matapos kong marining ang mga katagang lumabas sa bibig ng aking ina, unti unti kong naramdaman ang pagtulo ng mainit na likido mula sa aking mga mata. Tahimik akong lumuluha habang akap akap ang aking mahal na ina. Muli akong nagbalik tanaw sa mga nangyari. Unti unti nabibigyan na ng kasagutan ang bawat tanong na nabuo sa aking isipan.
Araw noon ng pag iisang dibdib namin ni Marvin, makalipas ang aming anim na taong pagsasama bilang magkasintahan napagpasyahan na naming ituloy ito sa pag aasawa. Hindi magkamayaw ang bawat tao sa aming tahanan ng araw na iyon, paro’t parito sila at tila ba mga walang kapaguran sa kanilang mga ginagawa. Ilang oras pa ang lumipas kami’y patungo na sa simbahan na nakatakdang sumaksi sa pag iisang dibdib namin ni Marvin. Lahat ay nanabik at natuwa sa aking pagdating, ngunit ang ilan sa kanila ay kinabakasan ko ng lungkot at awa. Wala akong kamala’y malay sa mga nangyayari, ang bawat taong malapatan ng aking paningin ay nagbubulungan. Bumangon ang kaba sa aking dibdib, unti unting nabubuo ang isang tanong sa aking isipan, ano nga ba ang nangyayari sa paligid at nasaan ang aking kasintahan. Umiiyak ang aking ina na lumapit sa aking, ang aking ama naman ay mahigpit akong niyakap. Pilit kong inalam sa kanila kung ano ang nangyayari, walang gustong magsalita. Walang maglakas ng loob na ako’y sagutin, unti unti ng tumutulo ang luha sa aking mga mata, hindi na natiis ng ama ko ang kanyang nakikita. Habang binibigkas nya ang mga katotohanan lumilipad naman ang aking isipan,
“Anak, nagpadala ng sulat si Marvin, hindi na daw matutuloy ang inyong kasal, sumama na sya kay Virna at sila ngayon ay patungo na sa bansang Amerika”
Hiyawan na lang ng tao sa paligid ang huli kong narinig, pag mulat ko ng aking mga mata, nasa loob na ako ng aking sariling silid. Lumipas ang mga araw sa aking buhay, tila isa akong pata’y na pinipilit ikilos ng normal ang sarili. Bawat oras ay tila taon na dumadaan, unti unti akong nilalamon ng pait na aking dinanas. Hanggang sa hindi ko na kayanin at nagawa ko ang bagay na hindi nararapat. Isang umaga yon ng Mayo, kasalukuyang nasa labas ang aking ina para mamili ng pang handa sa kaarawan ng aking ama. Inilabas ko ang kahon ng singsing na dapat sana ay isusuot ko sa kamay ni Marvin, inihanda ko na din ang sulat na iiwan ko para kay inay at itay. Habang isinasaayos ko ang aking sarili, larawan pa rin namin ni Marvin ang aking hawak hawak. Habang sinasariwa ko ang aming ala ala, unti unti kong iginuhit ang hawak kong kutsilyo sa aking pulso,
Makirot, mahapdi, walang patid ang sakit at unti unti ng dumadaloy ang mapulang dugo sa aking bisig.
Matapos ang ilang ulit na pagdaan ng kutsilyo sa aking pulso, inilipat ko naman ito sa aking kaliwang kamay, at muli dahan dahan kong iginuhit ang ala ala ng kahapong kay pait. Ang huling bagay na natatandaan ko bago ako nawalan ng malay ay ang pagtawag sa akin ng aking nanay.
Oo alam ko mali ang ginawa ko, pero masisisi mo ba ako? Sinubukan kong magpakatatag para sa aking mga magulang pero kulang pa rin pala ang lahat ng iyon. Natalo pa rin ako ng kalungkutan at pighati.
Pero ngayon, gagawin ko na ang lahat ng aking makakaya para maging matatag para sa aking sarili, para sa aking mga magulang. Sisikapin kong hanapin o gawin ang aking panibagong storya. Hanggang sa sumapit din ang pagkakataon na maipagmalaki kong ako’y may sarili ding

Happy Ending.

Dear Extrang Hero

Dear Extrang Hero,
Di man lang ako nabigyan ng pagkakataon na sabihin sayo yung nilalaman ng puso ko.
I know ilang bwan na din ang nakakalipas ng mapagpasyahan nating maging magkaibigan na lang. Alam kong tama ang desisyon na yun pero may isang bagay akong pinagsisihan, yun ay dala dala ko pa din hanggang ngayon. Alam mo ba pinili ko na lang na iwasan kung ano man yung nararamdaman ko para sayo, kaso ilang buwan ko ng sinubukan pero bigo ako.
Sinubukan kong ibaling sa iba pero di pa rin nila makuha, alam mo bang hanggang nagyon mahal na mahal pa rin kita. Hanggang ngayon may mga pagkakataon pa din nagigising ako sa ng madaling araw, iiyak at maiisip ka. Gusto ko ng kalimutan kung ano man yung mayron satin noon pero wala pa din bigo pa din ako. Ikaw at ikaw lang ang nilalaman ng puso ko. Noong nakaraang buwan lang umiyak na naman ako kasi na-alala na naman kita, nakita ko na naman ang ngiti mo, nakita ko na naman ang masaya mong mukha. Paano ba naman ako hindi masasaktan, ikaw ang natatangi kong pangarap na walang katuparan. Ikaw lang ang natatanging ligaya na nais kong makamtan. Pero wala bigo ako, hanggang pangarap ka na nga lang talaga. Sana pag nabasa mo to wag kang magalit, gusto ko lang ipa-alam sayo yung nilalaman ng puso ko, nilalaman na hanggang ngayon ay baon baon ko. Alam ko wala akong laban sa nakaraan mo, nakaraan mo na labis labis ang pagmamahal mo, pero kung hahayaan mo lang ako, gusto kitang tulungan. Gusto kong maging bahagi ng pag limot mo sa nakaraan. Kung mabibigyan ako ng pagkakataon gusto kong ipadama sayo ang pagmamahal ko, pagmamahal na kahit di mo masuklian o matumbasan patuloy kong i-aalay para sayo. I know this is unfair para sa sarili ko pero wala akong pakialam. Para sayo ibibigay ko ang buong pusong pagmamahal ko. Pagkat ikaw ang nag iisang pangarap ko.
Nagmamahal,

Your sweetest song

Habang ang gabiy tahimik


Habang ang gabi’y tahimik
Yakapin mo ako ng mahigpit
Nais ko itong makapiling
Sa aking magdamag na kay lamig

Hawakan mo ng mahigpit
Kama’y kong sayo’y nananabik
Namnamin natin ang kapayaan
Pag isahin natin ating mga isipan

Saglit kang pumaibabaw
Sa uhaw kong damdamin
Tighawin mo ng hiwaga
Nananabik kong kamalayan

Habang ating pinagsasaluhan
Hiwaga ng pagmamahalan
Hayaang matangay ng hangin
Lungkot ng ating nakaraan

At sa ating pag iisa
Damhin natin ang ligaya
Burahin ang alinlangan
Upang puso’y tuluyang sumigla

Mataman mong minamasdan
ang hubad nyang kaligayahan
Sinasamyo ang kasariwaan
ng maningning nyang kabanguhan

Habang ang sandali ay tahimik
Unti unti mong pinadaloy ang iyong init
Hanggang iyong natunton
Ligayang kay tagal mo ng inasam

Bawat ulos ay mapusok
Tila isang nagbabagang espada
Di alintana ang kirot
pagkat alapaap ay nais maarok

Bawat himaymay ng kanyang isipan
naglalakbay sa kawalan
taglay ang nalasap na hiwaga
na nagdulot ng kakaibang ginhawa

Ilang ulit ka niyang iniwasan
ngunit tukso kang mapanlinlang
kaya’t sa iyong munting bitag
nahulog ang kanyang kamalayan

Pagmulat ng kanyang paningin
Ngiti mo ang nasilayan,
ngunit sa kanyang mga mata’y may
dumaloy na isang butil ng lungkot
nag iwan ng sugat at kirot

Sa Liwanag ng Kandila



Saksi ang liwanag ng kandila
sa madilim nyang nakaraan
habang isinasayaw ng hangin
ang kanyang masalimuot na isipan
naglalaro naman sa batis
ang kanyang malupit na kaaway

Tila isang hayok na hayop
na gutom sa laman
nag uumapaw ang kaligayahan
pagkat ika’y natikman
Unti unti butil ng luha
pumatak sa iyong pisngi

Ika’y napapikit

Nananalangin, umuusal
Umaasang di na magtagal
Pagka’t karumihang tinamasa
Gusto nang talikdan

Ngunit tila bingi ang iyong kapalaran
Walang makarinig ng iyong kamalasan
At habang patuloy ang halimaw
na hayok sa piraso ng laman
Natitirang katinuan lumisan ng lubusan

Pag asa’y naparam
Liwanag ay naglaho
Pagmulat ng paningin
Ika’y nasa iba ng dako

Bagong Awit ng Puso


Bagong Awit ng Puso

balutin mo ng hiwaga
ang puso kong balisa
hagkan mo ng pagmamahal
ang may lumbay kong isipan
ipadaloy mo sa akin
alab ng iyong damdamin
upang ang isang bagong
awit ng pag ibig
mahayag mula sa ating mga labi

sabay nating sayawin
isang malamyos na tugtugin
hayaang mawaksi sa langit
mahapding sugat ng kahapon
at habang umiindayog sa saliw
ng damdaming mapusok
namnamin ang sarap ng
ligayang nais maarok

muli nating pagsaluhan
pangarap na kaligayahan
muli nating damhin
alab ng pagmamahalan
hayaan nating mabuo
pangarap na nais matamo
upang ang ating mga puso
lumigaya na ng lubusan


Tanging Hiling

Muli akong nangarap
Habang nakatuon ang tingin sa alapaap
Hawak ko rin ang iyong larawan
Na nais kong isuko sa Kaitaasan

Taimtim kong ibinulong sa hangin
Natatanging laman nitong damdamin
Dalangin kong ito, sayo sana'y makarating
Upang iyong mabatid itong aking panalangin

Handa kong isuko ang lahat
Makamit lang ang pag - ibig mong tapat
Kahit dagat ay aking tatawirin
Sasabay maging sa ihip ng hangin
Mapasakin lamang pag - ibig mo na
aking tanging hiling

Ngunit kung ito'y di pa rin sapat
Kahit anong pilit ay di pa rin dapat
Hayaan mong iluha ko na lamang
Lungkot na aking tangan tangan
Upang pighati ng damdamin
Tuluyan ng maibsan



suicide



saksi ang bituin sa langit
sa luha nyang sadyang kay pait
impit na hinaing sa kanyang damdamin
pilit nyang ikinukibli sa dilim

sa pagtulo ng lungkot
sa kanyang mga mata
unti unting pumanaw
lahat ng kanyang pag - asa
kanyang inilaang pag - ibig
walang kabuluhan sa harap
ng lalaking iniibig

sa muling pagtingala nya sa langit
tangan nya ang lahat ng hinanakit
higpit ng hawak sa kutsilyong kay talim
iginuhit sa ibabaw ng kanyang damdamin

paalam, huling katagang kanyang sinambit
baon ang isang laksang hapdi sa dibdib
muling iginuhit ang kutsilyong kay talim
winakasan na nya ang buhay nyang kay lupit

Panakaw na Saglit


katawan mong kay lupit
bawat kurbay humahagupit
sa pagpatak ng pawis sa iyong katawan
muling nabuhay sa akin ang pananabik

tighawin mo ang pagkauhaw
ng nanunuyot kong lalamunan
hagurin mo ng may kiliti
upang saglit na mapawi ang hapdi
na dulot ng kaba sa dibdib

sa paglapat ng ating mga labi
tikman mo ang aking sidhi
sa iyo’y aking ipadadaloy
damdamin kong puno ng pighati

sa pag pikit ng ating mga mata
larawan mo ang aking nakikita
habang tinatahak ang landas
papunta sa mundo ng hiwaga
hayaan mong aking lakbayin
matayog mong dibdib
at ating muling pagsaluhan
init ng pagmamahalan

naubos na ang aking lakas
ngunit ito’y di pa rin sapat
kaya’t nagmamadali kong isinigaw





“isang tanduay ice pa nga please”